Thursday, December 24, 2009

STaTus UPdateS. . .


Ilan lamang ito sa mga status updates ko ngayong Desyembre. Hindi ko alam kung bakit parang ang pag-update sa status ko sa facebook ay sobreng nakakahiligan ko na. Dahil ba gusto kong magpapansin? At dahil ba mas madaling magpapansin sa facebook kesa sa simpleng gm sa cellphone?




1.

Malig ay ang pas kosa in yongla hat!



2.

Nakapag-unli kayo? Ang bait, nakapasok ako!



3.

Sa lahat ng mga nakasamaan ng loob, PATAWAD. Sa lahat ng mga nakaintindi, SALAMAT. Tao lang, nagkakamali rin. Linisin ang puso. Tanggalin ang tinik. Maligayang pasko. Magpatawad at magpasalamat.


4.

Wag kayo magtaka kung wala kayong makuhang regalo mula sa iba. Mahirap talaga ang buhay. Ang mahalaga, nairaos ang tunay na diwa ng pasko. Na may liwanag sa puso at ningning sa sintido. Mula sa star ng pasko, BRO.



5.


Happy for my new things! Yeah!



6.


MY NEW LIFE HAS COME!




7.


Good morning! Birthday ng ate ko! Fiesta!


At lahat ng ito pala ay naiupdate ko lang sa loob ng isang araw, bisperas ng pasko. Maligayang Pasko!


Pananong Tandang

September 16, 2009

Reclusion Perpetua --- layuan mo ako!
Maraming tanong sa makatwirang tungo
Tulad ng baliw--- sino?
ang sumisigaw ng kung-anu-ano
sa kanto
o
ang nasa silyong walang inasikaso
bisyo’t isip pa’y indiyo

Bakit binabartolina pa ang tulad ko
gayong langit at impyerno
hahatol at magsisino?

Kung parusa rin lang,
Di sin sana’y doble ang posas, lagyan ang paang di marunong gumalang
Di sin sana’y bilog ang kulungan, mundo’y gawing patlang
Di sin sana’y mainit ang rehas, kumukulong salang

Ngunit hindi pa ba sapat ang lansa,
sakit at dusa,
parusa,
pangungulila at ambososyong pagnanasa?

Impyerno--- tunay na kulungan,
magdidikta ng parusang kahihinatnan
di ba’t minsan lamang mabuhay sa mundong bilugan
ba’t di magawang pagbigyan
o patawarin man lamang
o parusahang sandali na lang

gaya ko,
hindi ko matanto
pagkat doble ang pasakit ko
dito sa kahong bakal na tirahan ko
paano pa kaya kung nasa impyerno
na ako? Anong latigong sugat pa ang haharapin ko?
Pagkat nagkamali lamang ako,
di ko naman kasalanan ang ito
Kung ilustrado,
Letrado,
lamang ako
di sin sana’y sa langit ang tagpo ko.

Thursday, December 17, 2009

Memory Card


Setyembre 7, 2009

Madalas akong bumili ng memory card. Micro SD, Mini SD,
at kung anu ano pa.
Sa megamall, sa CDR-King,
at kung saan saan pa.

Limang beses na kong bumili ng napakaliit na piraso ng teknolohiya.
Hindi ko alam kung anong hiwaga ba, o kailangan bang ako ang biyayaan ng ganoong nilalaman ng mga memory card na iyon.

Unang beses. Sa CDR-King sa Gateway mall sa Cubao. Pinabili ako ng ate ko ng memory card. Tutal utusan naman ako pagdating sa mga ganoong bagay. Aba, sunod naman ako. Doon malapit sa labasan ng LRT malapit ang pwesto ng stall na pinagbilhan ko. Maayos naman ang memory card. Walang sira o anumang senyales na masisira siya. Sinubukan ko sa cellphone ko. Gumana. Malinis ang memory card kaya’t ako na ang naglagay ng mga litrato. Litrato ko malamang. Pagkauwi, iniabot ko agad kay ate. Abot tenga ang ngiti niya ngunit imahinasyon ko lamang iyon. Sabi ko: “Nilagyan ko na yan ng mga pictures ko, pakibura na lang kung masagwa.” Sabay tawa. Aba, tumawa rin ang kapatid ko. “Ikaw ba ito? Si Jose Rizal ‘to eh! Hahahahaha.” Tumawa muna ako. “Joke ba yan?” Wala na siyang ibang ginawa. Tumawa at ibinigay na lamang niya ang telepono niya.

Si Jose Rizal nga!

Ikalawa. Sa SM Manila. Memory card muli ni ate. Hindi ko ginamit para walang imaheng lumabas sa cellphone niya kapag binuksan na niya ito. Agad kong ipinasok sa bag ko. Umuwi at iniabot sa kanya. Walang laman ang memory card. Ngunit kinabukasan, pambungad sa akin ng ate ko: “Ginamit mo ba ‘to? May pictures kasi ng world war II eh. . . may label pa.” Tinignan ko ang cellhone. Naulit ang unang kasaysayan na ipinamukha sa akin ng unang memory card. Isinagot ko na lang: “Ah, oo! Nagdownload ako ng pics kagabi eh. Eh wala akong memory card, nasira. Para sa Humanities naming yan. Kunin ko na lang.”

World War II nga!

Ikatlo. SM Megamall. Kasagsagan ng kamatayan ni Cory Aquino. Wala naming holiday pa. Burol pa lang niya noong mga panahong iyon. Ako na ang nangailangan ng bakanteng espasyo para mailagay ang mga awit at litratong di ko naman kailangan. Matagal kong nakalimutan ang misteryo ng dalawang naunang memory card. Sa 40 days ni Cory, bumulaga ang mga larawan ng libing ni Cory sa Manila Cathedral, sa Manila Memorial Cemetary at ang kanyang mga astiging litrato sa Makati Shangrila na ginamit sa kanyang tribute. Inisip ko na lang swerte ako sa pagkakataong iyon. Instant memorabilia.

Cory Magic!

Nagmamadali ako nang binili ko ang ikaapat na memory card. SM Centerpoint. Di ko lubos maisip kung bakit doon ko maisip bumili ng memory card gayong wala akong amor sa SM branch na iyon. Bawat araw, may lumalabas na litrato sa memory card na iyon. Litrato mula sa bansang Papua New Guinea, Slovenia, Kenya, Tonga, Sudan at kung saan saan pa. Sa ilalim ay ang caption. Parang news article, kailangan nga lang imagnify ang picture upang lubusang mabasa at mas maiintindihan ang mensahe kung isasaksak sa card reader, patungong computer. Tapos, swak!

CNN?

Sa Tutuban ko ibinili ang ikalima. Memory card para sa pinakabago kong cellphone. May internet na. Kung tutuusin, dapat hindi na ko bumili pa ng memory card para sa cellphone na iyon, libang na libang na kasi ako sa internet connection non. Libre pa. Kada tatlong araw kung pumasok sa gallery ng memory card ko ang mga litrato at ang bago, ang mga video at music. Ito ang ilan sa mga estrangherong data na pumasok sa memory card ko:
Larawan ni Yul Cervo, Mayor ng Maynila.
Music Video ni Kris Aquino kasama si Korina Sanchez.
Video Footage ng Pagrescue sa mala-Titatic na paglubog ng MV Carmella.
Litrato ng EDSA, maraming tao, parang rebolusyon.
Litrato ng Poster ng Final Destination 16.
Litrato ng bagong Santo Papa.
at
Si Charice, WoW Philippines.

Anak ng Memory card nga naman oh!

Wednesday, December 16, 2009

Kataga ng Taon

1. Cha-Cha
*Charter Change, pangunahing isinusulong umano ng kasalukuyang administrasyon upang mapahaba ang termino ng pangulo.

2. Indie
*tumutukoy sa mga indie films na ngayon ay tumatalakay sa may Malaya at di-kontemporaryong pelikula.
3. Bi
*tumutukoy sa mga bisexual men na patuloy na naghahangad ng pantay na karapatan at pagtingin gaya ng pagtingin ng tao sa mga kababaihan at kalalakihan.

4. GM
*o mas kilala sa tawag na group message, ginagamit sa pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng text messaging.

5. Facebook
*isang social networking site na may services gaya ng games, chat at iba pang application na magpapatibay ng ugnayan ng mga tao saanmang panig ng mundo.

6. Unli
*maikling tawag sa unlimited text na ibinibigay na serbisyo ng mga pangunahing telecommunication companies sa bansa gaya ng Smart, Globe at Sun cellular.

7. Keri
*”kaya ba?” o “kakayanin ba?” o “kakayanin yan!”

8. Larga
*gala o pasyal na kadalasang ginagamit ng mga tao upang gawing swabe ang dating ng salita.

9. Rent
*tumutukoy sa pag-arkila ng computer upang magamit ang internet para sa iba’t ibang gawaing pampaaralan, pang-opisina, pangkalakalan, panlibangan at iba pa.

10. Dilaw
*bilang pagpugay sa namayapang si Pangulong Corazon Aquino, inilunsad ang iba’t ibang kampanyang may kaugnayan sa kulay dilaw na naging simbolong katapatan ng Ina ng Demokrasya.

11. Wowowee
*palabas sa tanghali ng ABS-CBN na naghahatid ng iba’t ibang storya ng buhay ng mga Pilipino, kadalasan na ring ginagamit na expression ng kaligyahan.

12. Script
*tumutukoy sa manuscript na ginagamit ng mga artista para sa kanilang dula, madalas ding ginagamit bilang palusot (“script mo lang yan eh!”).

13. E-heads
*ang tinaguriang The Beetles ng Pilipinas, nakilala sa mga kantang Alapaap, Toyang, Huling El bimbo, Tuwing Umuulan, at marami pang iba.

14. Blog
*itinuturing na new media sa kadahilanang isa ito sa mga bagong usbong na paraan na pagpapakalat ng impormasyon sa madla. Maaring personal, pangnegosyo, pang-akademiko at iba pa.
15. Engot
*tanga, bobo, o inutil na mas pinadulas na salita upang mas maganda sa pandinig at upang hindi makasakit ng kapwa.

Mga Aral ng Katipunan


Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadakilaan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawaing magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higitan ng dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigitan sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban ay inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

Huwag mong sasayangin ang panahon; ang yamang mawalay mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.

Ang taong matalino’y may pag-iingat sa bawat sasabihin; ang matutong ipaglihim dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ang kabuhayan, lalaki ang siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

Ang babae ay huwag mong tingnang isang libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan niyong kabuhayan; gamitin monang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbubuhat nag-iwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid ay huwag gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-paring KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di mapapaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa baying tinubuan.

Kurso

1. Bachelor in Broadcast Communication
2. Bachelor in Journalism
3. Bachelor of Arts in Filipino
4. Bachelor of Arts in Multimedia Arts
5. Bachelor of Arts in Film
6. Bachelor in Political Science
7. Bachelor of Arts in History
8. Bachelor in Advertising and Public Relation

Oo. Ito ang mga kursong hanggang ngayon ay nais ko pa ring tahakin. Kung nasaan man ako ngayon, siguro masaya ako ngunit hindi kuntento.

BATSILYER NG KOMUNIKASYONG PANANALIKSIK.

THE 50 MOST MEMORABLE MOMENTS IN PHILIPPINE CINEMA

DEKADA 50


1
Tinakasan na ng katinuan si Anita Linda bilang Sisa at tinatawag ang pangalan ng mga nawawalang anak na sina Crispin at Basilio. Magiging ehemplo ito ng tour de force acting at gagayahin ng maraming nagtatangkang maging artista. (SISA, 1951; Gerry de Leon, Director)

2
Nilili-lipsync ni Nida Blanca sa screen ang Waray-waray, originally voiced by Sylvia La Torre. The song became so popular at nagkaroon pa ng sarili nitong version ang black Hollywood singer na si Eartha Kitt. (WARAY-WARAY, 1953; Manuel Conde, Director)

3-4
Kinakanta ni Edna Luna as Dyesebel ang theme song na Bakit Kaya, at ang pagsabog ng bulkan sa climax ng movie. (DYESEBEL, 1953; Gerry de Leon, Director)

5
Ang paglilibing sa Chinese actress na si Lola Young sa gitna ng dagat habang unti-unting binibitawan ang kanyang bangkay mula sa isang boat at lumulubog iyon sa tubig. (SANDA WONG, 1955; Derry de Leon, Director)

6
Ang passionate love scene nina Rosa Rosal at Tony Santos sa mga guho ng Intramuros na revolutionary na nang mga panahong iyon. (ANAK DALITA, 1956; Lamberto Avellana)

7
Ang ending na hinahaplos ni Rosa Rosal ang ararong naiwan ng yumaong asawa, Tony Santos, pagkatapos ng maraming paghihirap at pagsubok na dinaanan nila ng mga anak niya. (BIYAYA NG LUPA, 1959; Manuel Silos, Director)


DEKADA 60

8-9
Nang Makita ni Edita Vidal as Maria Clara ang isang taong may ketong sa kalye at lapitan niya ito. At ang pagtatagpo nina Elias (Leopoldo Salcedo) at Sisa (Lina Cariño) sa ending na kapwa sila malapit nang mamatay at inutusan ni Elias ang batang si Basilio na sunugin ang kanilang mga bangkay. (NOLI ME TANGERE, 1961; Gerry de Leon, Director)

10-11
Torture scene kay Moises (Leopoldo Salcedo), at ang eksenang pangkupangko ng Pangulong Ramon Magsaysay ang walang buhay niyang katawan. (THE MOISES PADILLA STORY, 1961; Gerry de Leon, Director)

12
Ang tagpong dala-dala na ni Simoun (Pancho Magalona) ang kahon ng kanyang kayamanan at kanya yung itinapon sa ilog pagkatapos ng kanyang nabigong paghihiganti sa mga Kastila. (EL FILIBUSTIRISMO, 1962; Gerry de Leon, Director)

13
Sa wakas ay dumating din ang ulan at nagbunyi ang mga magsasaka habang bumubuhos ang ulan. Nagtatalunan sila sa tuwa sa gitna ng ulanan. (DAIGDIG NG MGA API, 1965; Gerry de Leon, Director)

DEKADA 70

14
Ini-interview si Rita Gomez ng movie press at ang isinasagot niya ay mga kasinungalingang impormasyon na kunwari ay nakatuntong siya ng college at nag-aral sa “Parestern” (Far Eastern University). (PAGDATING SA DULO, 1971; Ishmael Bernal, Director)

15-16
Nadiskubre ni Christopher de Leon ang kanyang ama (Eddie Garcia) habang may kinukubabawang babae sa loob ng kanilang kamalig. Isa pang memorable scene nang pinagtatawanan ang village idiot na si Kuala (Lolita Rodriguez) at siya ay napaihi. (TINIMBANG KA NGUNIT KULANG, 1971; Lino Brocka, Director)

17
Very memorable ang last scene sa movie na dinalaw ni Hilda Koronel sa bilangguan ang kanyang ina . Ito rin ang first Filipino film na itinanghal sa prestigious Cannes Film fest. (INSIANG, 1976, Lino Brocka, Director)

18
Hinabol ni Nora Aunor, bilang Pilipinang naanakan ng isang opisyal na Hapon (Christopher de Leon), si Christopher sa kalye at nagsisisigaw siya ng “Sinungaling! Sinungaling!”. (TATLONG TAONG WALANG DIYOS, 1976; Mario O’Hara, Director)

19
Sino ang makakalimot sa eksenang umiiyak si Nora Aunor sa harap ng kabaong ng kanyang kapatid at ipinahayag niya: “My brother is not a pig!” (MINSA’Y ISANG GAMO-GAMO, 1976; Lupita Concio, Director)

20
Ang childbirth scene si Elizabeth Oropesa na pinaaanak siya nina Daria Ramirez at Rustica Carpio. It signals the birth of another life in bleak surroundings. (NUNAL SA TUBIG, 1976; Ishmael Bernal, Director)

21
Ang 15-minute nonstop, breathtaking dance number ni Vilma Santos on Stage kunsaan ang layunin pala niya ay malaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan. (BURLESK QUEEN, 1977; Celso Ad. Castillo)

22
Nagkagulu-gulo ang mga mag-asawa dahil sa pagtataksil pero tahimik na nag-uusap ang mga nangaliwang sina Vic Vargas at Gloria Diaz, realizing na walang ibang dapat sisihin sa nangyari kundi sila rin dahil mahilig silang pumasok sa gulo. (SINO’NG KAPILING? SINO’NG KASIPING?, 1977; Eddie Romero, Director)

23
Confrontation scene nina Lolita Rodriguez at Charito Solis kunsaan nagpatalbugan talaga sa acting ang two of the best actresses in Philippine cinema. (INA, KAPATID, ANAK, 1978; Lino Brocka, Director)

24
Ang overextended and very daring ending na walang ginawa sina Nora Aunor as Teresa and Vilma Santos as Sandra kundi magtitigan lang nang magtitigan nang wala kahit isang line of dialogue. (IKAW AY AKIN, 1978; Ishmael Bernal, Director)

25
Nang matuklasan na ni Nora Aunor ang kataksilan ng kanyang ina at asawa at tila siya naririmarim na napaurong habang madamdaming inuusal: “Hayop! Hayop!” (INA KA NG ANAK MO, 1979; Lino Brocka, Director)

Dekada 80

26
Nalaman ni Bona (Nora Aunor) ang ginagawang pagtataksil sa kanya ni Philip Salvador at nang maliligo na ito ay binubuhusan niya ng kumukulong tubig ang pampaligo nito. (BONA, 1980; Lino Brocka, Director)

27
Ang violent massacre scene na pinagpapatay ni Vic Silayan ang buong pamilya niya, including wife, Charito Solis, daughter Charo Santos and son-in-law Jay Ilagan, bago siya nagbaril sa sarili niya. (KISAPMATA, 1981; Mike de Leon, Director)

28-29-30
Para itong Rashomon probing into the nature of truth. Napatay rito si Dennis Roldan and there are three versions kung paano nangyari ito. Sa una, pinagtanggol lamang ni Gina Alajar as Salome ang kanyang sarili dahil gusto siyang gahasain ni Dennis. Sa ikalawa, natuklasan ng asawa ni Gina na si Johnny Delgado ang pagtataksil nila ni Dennis at napatay niya ito dahil gusto pa ring ituloy ang relasyon nila kahit kumakalas na siya. Sa ikatlo, inutusan siya ni Johnny na patayin ito bilang parusa sa pangangaliwa nila. Ang aktuwal na pagpatay o murder scene was staged sa iba’t ibang paraan, all memorable, at bahala na ang viewers humusga kung alin ang paniniwalaan nila. (SALOME, 1981; Laurice Guillen, Director)

31
Death scene ni Christopher de Leon kunsaan tarantang-taranta si Vilma Santos at hindi malaman ang gagawin habang namimilipit sa sakit ang lalaking may ibang asawa na kinakasama niya. (RELASYON, 1982; Ishmael Bernal, Director)

32
Binaril si Nora Aunor as Elsa, the fake visionary, habang sumisigaw siya ng “Walang himala, nasa puso ang himala,” na hanggang ngayon ay paboritong gayahin ng mga bading. (HIMALA, 1982; Ishmael Bernal, Director)

33
Ang decapitation scene kay Vic Silayan kunsaan ang pumugot sa ulo niya ay ang sariling anak na si Philip Salvador dahil pinakikialaman niya ang misis nitong si Cecille Castillo. (KARNAL, 1983; MArilou Diaz-Abaya, Director)

34
Nang mamatay na si Ka Dencio (Tony Santos) and Vilma Santos as Sister Stella exhorts the workers to join in the struggle of the oppressed. Dito niya diniliver ang immortal na lines na patungkol din sa mapaniil na rehimeng Marcos that time: “Kung ‘di tayo kkilos, sino ang kikilos? Kung ‘d ngayon, kalian pa?” (SISTER STELLA L, 1984; Mike de Leon, Director)

35
Nang mag-reunite ang mag-inang Nida Blanca at Aga Mulach after 15 years. Si Nida, kahit nakatalikod dito at nagpupunas lang ng pinggan, makikita mong umaarte in character talaga. (MIGUELITO, BATANG REBELDE, 1985; Lino Brocka, Director)

36
Ang pagsuko ni Turing (Philip Salvador) sa mga pulis matapos siyang masangkot sa pagnanakaw pero nauwi sa putukan at sa kanyang pagkamatay. (KAPIT SA PATALIM, BAYAN KO, 1985; Lino Brocka, Director)

37
Ang nervous breakdown ni Amy Austria. (HINUGIT SA LANGIT, 1985; Ishmael Bernal, Director)

38
Ang death scene sa dalampasigan that celebrates the value of life. Yakap-yakap si Vilma Santos ng kaibigan niyang artist, played by Eric Quizon, at hanggang sa huling sandal in her white night giwn at habang nagbubukang-liwayway to signal the start of a new day, ipinapahayag niyang kay ganda ng buhay. (PAHIRAM NG ISANG UMAGA, 1989; Ishmael Bernal, Director)

DEKADA 90 AT ANG BAGONG MILENYO

39
Tinalikdan ni Maricel Soriano ang lalaking pakakasalan niya, si Richard Gomez, who has betrayed her before. (IKAW PA LANG ANG MINAHAL, 1992; Carlos Siguion-Reyna, Director)

40
Nora Aunor in prison declaring: “I did not kill anybody.” (FLOR COMTEMPLACION STORY, 1995; Joel Lamangan, Director)

41
Vilma Santos saying “Wala akong ginagawang mali.” With her son Carlo Aquino shouting at her. “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron!” (BATA, BATA, PAANO KA GINAWA?, 1998; Chito Roño, Director)

42
Sharon Cuneta saying to Christopher de Leon: “Tama ka, I’m just your wife. Asawa mo lang ako.” (MADRASTA, 1996; Olivia Lamasan, Director)

43
Nang bumalik na si Albert Martinez sa kanyang asawa (Sharon Cuneta) nang nagsisi at humihingi ng tawad, pero hindi na siya tinanggap pang muli. (NANG INIWAN MO AKO, 1997; Joey Reyes, Director)

44
Dinalaw ni Nida Blanca sa ospital ang naging kerida ng mister niya, si Angel Aquino, pagkatapos nitong magsilang. (SANA PAG-IBIG NA, 1998; Jeffrey Jeturian, Director)

45-46
Two scenes: ang tagpong nangungumunyon si Gloria Romero ang she surrenders all her problems to the Lord, at ang tagpong kumakanta si Carol Banawa ng isang religious song, Panunumpa. Narinig iyon ni Gloria na may Alzheimer’s Disease na, at lumabas siya dahil muli niyang nakilala ang apo niya. (TANGING YAMAN, 2000; Laurice Guillen, Director)

47
Ang final scene na paalis na si Alessandra de Rossi pagkatapos na maipanalo niya ng first prize sa isang competition ang mga batang sinanay niya sa pagkanta. (MGA MUNTING TINIG, 2002; Gil Portes, Director)

48
Ang dinner scenena pinatay ni Lolita de Leon si Albert Martinez, matapos niyang marealize na hindi siya balak seryosohin nito, sa pamamagitan ng paghahalo ng muriatic acid sa pagkain nito. (LAMAN, 2002; Maryo de los Reyes, Director)

49
Si Jiro Manio habang sinusukatab ang lola niyang si Gloria Romero para igawa ito ng kabaong. (MAGNIFICO, 2003; Maryo de los Reyes, Director)

50
Ang lovemaking scene nina Cherry Pie Picache at Alfred Vargas na pinipilit pinapatay ng una ang ilaw at binubuksan namang muli ng huli. (BRIDAL SHOWER, 2003; Jeffrey Jeturian, Director)

(isinulat ni Mario E. Bautista,, beteranong manunulat at fil critic at isa rin sa founding members ng Urian at Star Awards for Movies)


Source: Hi! Magazine, May 2007 Issue

Mea Culpa? (My Own Fault ?)

Setyembre 16, 2009

Oo. Maraming nang nagsasabi. Kesyo hindi raw ako natututo. Bingi raw ako. Wala raw akong pwesto para sa mundo. Kasalanan ko ba kung pasakan ang tainga ko ng mga elementong tulad ng mga basura sa Ilog Pasig na hindi na makaagos at nang araw sa mundo na hindi na makatakas. Kasalanan ko ba kung matusok ko ang sarili kong tainga? Gayong ang tanging paraan upang makaiwas ako sa maingay na mundo a wakasan na ang buhay ng maliit na bahagi ko. Ano ngayon kung bingi ako?

Ano ngayon kung bingi ako? Maririnig mo pa naman ako. Tulad ng mga taong isinilang na pipi at bingi. Bagamat ang kalayaan nilang marinig ang tao sa pamamagitan ng salita ay napigilan na noon pa man, may paraan naman upang sila ang maghagis ng mga pag-iisip na sa oras na marinig at maintindihan ng mga ordinaryong tao, ay gagawa ng panibagong realidad at mundo.

Ano ngayon kung bingi ako? Ligtas naman ako. Hindi ko maririnig ang putang ina at gago. Maiiwasan ko ang poluysyong gawa ng ingay sa daan. Payapa ang lugar, makapagsusulat para sa literatura. Dadaloy ang dugo ko sa normal na paraan patungo sa malawak na pag-iisip. Ang putok ng galit na rebolber, sigaw ng batang nagugutom, sagutan ng mga nag-aaway na panig, bungguan sa daang malawak, asong kinakatay, baboy na pinapatay, tensyon --- lahat ng iyan hindi ko maririnig. Ang magagandang himig? Pagkukulang ko iyon ngunit anong silbi ng imahinasyon? Ano naman kung hohoho ang tunog ng kabayo ayon sa isip ko? Hihihi ang tunog ng pusa? Hehehe ang palaka? Mwa mwa ang sa ibon? Sinong magkukulang? Wala. Hindi ba’t mas makulay ang buhay kung mula sa mga bingi ay may teoryang tunog na babago sa nakasanayan? Higit na lalaki pa ang sinasabing “maliit na tao” (ayon kay Ricky Lee) sa bawat isa sa atin kung magkagayon.

Ano ngayon kung bingi ako? Maililigtas pa nga kita. Hindi ko matututunan ang ideya ng pagpatay, ng pagnanakaw, ng pagsisinungaling, ng paggawa ng kasamaan. Sa kabilang banda, sa panahong sanggol, pwede akong lagyan ng linya. Limitasyon sa paggawa ng tama at mali.

Ano ngayon kung bingi ako? Kung sa huli rin naman ay mabibingi tayong lahat. Ang mga matatanda, bingi, ngunit anong problemang naidudulot nila? Ang mga aso, pusa, ibon, isda, hindi natin iniisip na nakapagsasalita sila. Kung nakagagawa man ng ingay, ano naman sa atin? Sumasagot ka ba? Hindi. Sila, ang mga binging nagsususpetsang higit na bingi ang mga ordinaryong nilalang. Oo, alam nating nakakrinig sila. Ang aso, pusa, ibon at isda, alam nating nagugutom sila ngunit anong alam mo sa pinagmulan niya? Anong alam mo sa mga magulaang niya? Anong alam mo sa buhay pag-ibig niya? Sa medaling salita, anong alam mo sa nalalaman niya? Ngayon, sinong bingi? Hindi porke walang paraang makapagsalita, makapagbigay ng mga kataga at pangungusap na tulad ng nagagawa ng ordinaryong tao, e hindi na nagsasalita. Tuwing nagdarasal tayo. Maraming nagdarasal upang magkwento at humiling. Ngunit marami ang hindi nakikinig. Oo. Sumasagot Siya. Tulad ng mga punong humihinga para sa atin, tulad ng hanging bumubulong, ng kaluluwang umuungol. Sinong bingi?

Marami sa atin may tainga, walang pandinig. May naririnig, walang iniisip. May iniisip, mali. Iniisip ang mali, tinatangkilik. Sinong bingi? Lahat ng iyan.

At kung bibigyan ng kahulugan ang bingi sa mga diksyunaryo at iba pang libro, gagawan ko ito ng panibagong depenisyon: may nariring at wala, maaring matututo ngunit naloloko, may matangkad na “maliit na tao” sa sarili niya o maaring kriminal ng katotohanan sa himig at musika.

Oo. Maraming nang nagsasabi. Kesyo hindi raw ako natututo. Bingi raw ako. Wala raw akong pwesto para sa mundo. Kasalanan ko ba kung pasakan ang tainga ko ng mga elementong tulad ng mga basura sa Ilog Pasig na hindi na makaagos at nang araw sa mundo na hindi na makatakas. Kasalanan ko ba kung matusok ko ang sarili kong tainga? Gayong ang tanging paraan upang makaiwas ako sa maingay na mundo a wakasan na ang buhay ng maliit na bahagi ko. Ano ngayon kung bingi ako?

Monday, December 14, 2009

Ugat-pak


Hirap sa Sarap. Lingap sa Pagtanggap. Agosto 25, 2009


Takot ako sa mga estranghero- dayuhan man o kababayan. Parehas silang walang maiaambag na kaisipan sa akin. Lahat sila nakakatakot. Singtass ng kisame, may balbas, bigote at tattoo, kutis-porselana, o dika nama’y singkit, matangos ang ilong. Meron ding iba ang amoy, malayo pa lang at may iisang lenggwahe ng pagiging iba. ‘Yan ang malupit na pagsasalarawan ni inay sa mga nilalang na naging iba sa akin sa panahon ng aking kamusmusan. Madalas, nakakasama ko na sila.

Lahat ng sarap, malalangahap sa pamamagitan ng hirap. Kung hindi ka dadaan sa matagalang paglingap sa determinasyong matanggap, aba tiyak ‘di ka masasagap.

Hanggang sa kahuli-hulihang minuto, nag-isip ako. Sasali ba ako? Hanggang sa tumunog ang pinakamalakas na kampana sa loob ng tainga ko. Sumisigaw ng “Oo!” sa bawat balik ng kampana sa dalawang tunog nito. Hindi ko rin maalala kung anong hirap ang dinanas ko sa pag-asikaso sa mga papeles ko. Natakpan na rin siguro ng karanasan kong makatapak sa lupain ng ng mga Hapon. Ang naaalala ko lang, sumulat ako ng sanaysay kung bakit ako ang kailangang mapili, nagpasa ng mga personal na dokumento gaya ng birth certificate, NBI clearance, transcript of records, at iba pa, ang passport, sumunod na lang ng ako’y napili na.

Totoo nga. Wala sa dami ng hirap o pagsubok ang oportunidad, nasa swerte ng taong hahawak ng pagkakataon. Wala sa talino o abilidad ang korona, nasa sinseridad. Sinsero ako subalit hindi nag-asam sa panahong iyon. Ewan ko ba. Sa dami ng mga sinalihan kong patimpalak na nangangailangan ng pag-aabang ng resulta, eto na yata yung hindi ko inasahan at hinintay. Hindi dahil nais ko talagang mapili kaya hindi ko binuburo sa isip ko. Nakalimutan ko na rin kasi kahit papaano. Sa dami ng ginagawa noon sa Development Communication Campaign namin. Maaari ring hindi ko na rin inisip pagkat alam kong maraming kalaban, sa pangkat pa lamang namin eh ilan na ang nagpasa, sa universidad, at sa dami ng pamantasan sa kalupaan ng Pilipinas. Naisip ko: Mapipili pa kaya ako? Tanong na sa simula’t sapul pa lang eh tinatak ko na sa sintido ko.

Hindi ko alam kung anong kidlat ang tumama sa bubungan ng aming tahanan at dumaloy ang kuryente nito mula kisame hanggang sa akin. Mula sa akin, dinala ko hanggang Japan. Kidlat na nakakaengganyo. Kidlat na nakakapaso.

Sumobra ata si Bro sa pagbibigay ng grasya sa akin. Ika nga nila, wala namang Siyang ibibigay sa’yo na di mo kaya. Di ko nga kaya. Namroblema ako noon. Sa gastos. Nagkasabay-sabay kasi ang kailangang pagbuhusan ng pera: thesis para sa totoong thesis, thesis sa Pilandokan Kumperensiya, panggastos sa Japan at maging mga utang na kailangang punan sa aming campaign. Nakakaiyak lalo’t ang realidad eh walang pasok. Walang pasok, walang baon. Di pa ko nakahabol sa trabaho sa City Hall. Kung natanggap ako, di baling mabugbog ko ang sarili ko kakaisip at kakatrabaho, wag lang ang lahat eh tuluyang maglaho. Wala ngang naglaho.

Inilabas ko ang ugat-pak ko. Tulad ng tawag sa pinanggagalingan ng mga kapangyarihan ng mga bida sa teleseryeng Mulawin. Tuloy ang pag-alpas sa kumunoy ng paghihirap. Sa tulong ng mga alagad ko: ang aking dalawang kapatid, maging ang kapitbahay namin, sa pinakamatalik kong kaibigan, ang kanyang kaibigang kaibigan ko na rin at sa lahat ng may koneksyon sa akin na napakinabangan ko sa pagsasakatuparan ng maladelubyong proseso ng paggawa ng disersyon. Hay. . . buhay. . . salamat. Siniguro kong sa pag-uwi ko, hindi ako hahabulin ng tik-tak ng mga orasan gaya ng paghabol sa akin sa pinanggalingang bansa. Nabawasan ang utang. Nagpadala si Tita ng baon sa aking paglayag, ng panggastos sa inaasikasong mga papel na binayad ko naman sa pondo n gaming campaign. Solb. Ang ugat-pak natawa sa dami ng pinagkaabalahan, sinong aangkas pa?

Sa dulo ng aking pakpak ay may nagmamatyag na higit na malaking pakpak, dambuhala sa lahat. Di ako nakaiwas, ako’y sinama sa pagluwas. Wala naman ang sisi. Ako ang pumili.

Larga. Alam ko na ang pinagkaiba ng serbisyong panghimpapawd ng Pilipinas sa Hapon. Tikom na lang ako. Limang oras akong iniangat ng malaking pakpak. Todo kapit pagkat pag lumabas ang sariling ugat-pak, saan pa ako makakarating. Sa Serbia? O baka ibalik ako sa Pinas ng nangungulila kong kalooban. Ang daloy ng trapiko mula airport patungong hotel, mabilis. Sabi ko nga, sa Pilipinas, kapag nasa bus ka, walang pinagkaiba sa pagsakay mo sa pampasaherong jeep. Parehas aalog ang katawan mo. Pero ibahin ang sementadong lupa ng Japan. Sakay ng bus, wala akong naramdamang batong nakatengga sa kalye. Ni pagsubsob ng dugo ko sa ugat eh wala. At sa pagkakatantsa ko, ang Tokyo na kapitolyo ng Japan eh higit na malawak na Maynila. Hindi lamang triple, baka nga sinlaki ng NCR o mas malaki pa. Para kasi kaming nagbiyahe mula NAIA hanggang Luneta mula Pasay hanggang Maynila. Di pa yun ang hangganan ng Tokyo ah.

Shinjuku ang kumupkop sa aming 100 delegadong kabataan ng Perlas ng Silangan. College of Saint Belide sa Pinas. Mall slash hotel ang Shinjuku. Ang lawak? Di ko matantsa basta ang alam ko, mas malaki sa Manila Hotel. Prestihiyoso rin daw ang mga tumutuloy sa hotel na iyon. Di basta basta ang ginaganap doon: kasal, binyag, at iba pang seremonya (ng mga mayayaman at kilalang tao sa kanilang lipunan).

VIP nga. Bawat kakainan, ibang lugar. At sa bawat lugar, iba ang halaga ng pagkain. Pangmayaman? Hindi ko alam. Hindi ko kasi pinag-aralan kung anong pangmayaman o anong pangmahirap na pagkain sa kanila. Baka wala. Sa Pilipinas lamang naman nagkakaroon ng dibisyon sa lipunan, sa lahat ng aspeto. Ang Japan, sa pagpapakilala at sa pagmamasid namin, walang pinagkaiba ang mayaman sa mahirap, walang harang na nagdidikta ng kung sino ka at kung ano lang ang dapat mong gawin sa bansa mo. Yun ang kulang sa Pinas, ang demolisyon sa higanteng harang na nagbibigay ng antas sa bawat tao.

Pangulo ang sa tin, sa kanila ay Pinunong Ministro at Emperor. Bagamat dalawa silang itinuturing na pinuno ng kanilang bansa, respeto ang sa kanila’y namamagitan. Ang Emperor nila ang siyang simbolo lamang, tagahawak ng responsibilidad sa pangalan ng bansa. Sa kabilang banda naman, ang Pinunong Ministro naman ang siyang may pinuno ng sangay ng pamahalaan: sa pagsasagawa ng batas, sa pagpapatupad nito at sa hustiya. Balanse talaga.

Kung may Lucas ako sa Pinas, may Murakami Family naman ako sa Japan, sa Komatzu prefecture (probinsya sa atin). Sila, ang nagbigay sa akin ng mga karanasan upang higit na maramdaman ang pamilyang Hapon. Kahit pa lantaran at walang pakundangan nila akong iniwan sa parlor shop para isali sa Busu Festival. Buti na lang kasama ko ang mga ka-delegado ko at syempre ang kapatid kong delegado rin. Habang nagsasalita sila sa kanilang sariling wika, wala kaming naiintindihan. Alam ko lang, minemake-up-an kami. Sila lang din ang nagsabing pambabae ang ginagamit na kulay sa amin. Nakupu! Anong gimik ‘to! Sabi ko, kalma lang, baka picture-taking lang ‘to. Natatawa na lang ako sa ganda ko. Haha. Pero nagulat ako, may mga katulad kami sa labas, mga Brazilian, nakabihis babae rin, itsurang babae talaga, painira lang ang mga muscles na nakabakat. Ang mabibilog at malulusog na parte ay talagang nakakatawa. Nakalimutan kong pati ako nakasuot gaya ng kanila. Isa pa sa nagpahanga sa akin ang Busu Festival, isang pagdiriwang sa lunan ng Komatzu na nagbibigay-halaga at pugay sa mga babaeng Hapon na may di kagandahang-anyo at katawan. Lahat talaga tiyak na balanse.

Gigising ako sa amoy ng tuyo, kapiling ang kamatis. Sa tanghaling tapat, natitig ang araw, pritong isda, itlog na maalat, at munggo. Sa gabing malamig--- nilaga. Doon, walang ganoon. Pagkat walang oras doon.

Ang mahahagway na gusali sa Tokyo, at ang payapang kapaligiran sa Komatzu ang naging basehan ko na walang oras, walang tiyak na tanda ang mga oras sa bansang iyon. Di gaya sa bayan ni Juan kung saan magigising ka sa umaga kasabay o di kaya dahil sa tilaok ng manok, ingay ng mga batang naglalaro o ng paglilinis ni inay. Umaga rin kung ang radio ay tumatalak ng mga komentaryong panlipunan, tuwing Linggo ay pagmamahalan. Tanghali kung matindi ang araw, kung saan lahat tayo inaapakan ng sinag ng araw. Sa Japan, ang araw ay pinipigilan ng mga gusali at hanging humahampas dahilan upang mabawasan ang init at mawalan ng palantandaan ang oras ng pananghalian. Ang hapon sa kanila ay walang pinagkaiba sa umagang tahimik, sa tanghaling may sinag ng araw na mapagpanggap, sa gabing walang inalala kundi ang bukas. Ultimo halaman di sumasabat sa katahimikan. Kung nabibigla tayo sa bilis ng panahon at oras sa ating bansa, lalo’t higit sa kanila pagkat kung sa atin, ang oras ay ginto, buhay iyon para sa kanila.

Kung hindi ko pa ginising si Cuelo eh hindi namin maabutan sa tahanan an gaming poster father. Alas-sais pa lamang eh simula na ng pagkayod doon. Pinilit ko talagang magising huling araw ng pananatili namin sa tahanan ng Murakami upang kahit papaano masimulan naman namin, kahit sa akin na lang ang diwa ng hospitalidad ng mga Pilipino. Naiintindihan namin kung bakit hindi nila magawang mahintay kami sa oras ng agahan para makasabay pagkat kasalanan din namin, naging mabagal kami at iyon ay dahil sinusulit namin ang lamig at mahimbing na pagtulog sa papag na may kutson. Hindi ka gigisingin ng lamig sa Japan, sa tindi ng panaginip sa sasakop sa pagtulog mo, mahirap magising, lalo na para sa gaya ko na iniwan ang sandamukal na suliranin sa bansang pinanggalingan.

Limang taon pa lamang ako, nagkakape na ko. Noong nasa Japan lamang ako hindi nakapagkape. Sa hotel, oo, may mga kapeng ikaw mismo ang magtitimpla ngunit inuwi ko na lamang ang mga coffee, sugar at milk stick sa Pinas para naman madala ko ang kapeng ipinagmamayabang ng Japan ngunit aminado akong mas suplado ang kape ng Pinas. Dagdag pasalubong din yun sa mga nais kong maramdaman at malasahan ng pamilya ko pag-uwi ko. Nais ko rin kahit papaano na maramdaman nila ang langhap sarap ng Japan. Gatas at tubig ang pantulak ko sa almusal na itlog na omelet, malaking tinapay na may sukat na doble at triple ng kamao ko, isdang may sabaw na may hawig sa sardinas ngunit hindi, manok na walang buto, yogurt o tahong walang arnibal at lasang suka, kanin na maramihan kong kinukuha kapag sa hotel dahil self-service dahil kapag sa restaurant eh kapiranggot lamang na masusubo ko lamang ng isang beses, pasta na ikaw mismo ang mamimili ng isasabaw mo: red o white o green, at marami pang iba na hindi ko kayang pangalanan pa. Minsan nga, mag-iimagine ka kung anong putahe ng Pinas ang kahawig o kalasa ng mga kinakain doon. Kambal ba ito ni menudo? O pinsan ba ito ng nilaga? O malayong kamag-anak ba ito ng pansit? Marami kang maiisip at tiyak na lolobo ang isip mo sa kung papaano mag-isip ang mga kapwa mo kabataan. Ngunit sa lahat ng nakita kong malapit na pagkakaugnay, isa lamang ang nakita kong iisa. Fried Chicken.

Naranasan din namin kung anong pinagkaiba ng pagkain sa restaurant, hotel at bahay. Masarap sa hotel at restaurant ngunit may sangkap talaga ang pagkain sa bahay na nagpapatindi ng sarap, ang kwento ng panatag na ina. Sa pakikipagkwentuhan namin sa aming inang komportable sa aming galaw at pananalitang Ingles, nalaman namin kung gaano kayaman ang Japan, sa kultura, komunikasyon at tradisyon. Anong ipanlalaban ng Pinas sa libreng text messaging sa lahat ng taong kapareho mo ng linya at tawag na libre sa lahat ng oras maliban pagpatak ng alas-9 ng gabi hanggang ala-una ng madaling-araw? Anong pambato ng kulturang pambata ng Pinas sa masining na pagpapahayag, ang teatro, ang Kabuki kung saan binibigyang pagkakataon ang mga bata na gumanap sa papel na bahagi ng kultura at kasaysayan ng pamamahala sa bansa nila. Nasaan ang kahalintulad ng Ikebana, tea ceremony at iba pang tradisyong nangamusta sa amin sa Japan?

Kung gaaano kakilala ang lahing Pilipino eh laking gulat sa akin. Sa isang kainan sa paanan ng bundok kung saan malapit nakatira ang pamilya ng kapwa ko ambassador eh nagdiwang ng family gathering ang Murakami Family at ang pamilya ng kapwa ko rin delegado. Tatlo na kaming Pilipinong kabataan na kasama nila. Isang pagsasalu-salo. Sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang oras, ang mga hilaw na pagkain ay ay naiproseso agad. Ang mahabang mesa sa tapat ng isang altar, sa gilid ay may litrato ng mga taong ninuno pala ng pamilya. May malaking bilog na lutuan sa harap na dinadagdagan na lamang ng hilaw na karne ng baka upang di maiwasan ang kakulangan o ubusan, nandoon yata kami. Ang kainan? Mangkok. Ang liit. Chopsticks ang ginamit ko kahit pa pinapagamit nila ako ng kutsara at tinidor. Nakisama ako kahit hirap ako sa pagkain ng todo. Marunong ako magchopsticks pero hindi ko gamay! “Hindi mo yan malalasahan, hindi mo kasi gamay ang dalawang kahoy na pangkain nila, hindi mo yan malalasahan.” Ang daldal ng sintido mo Lukas! Tawa ako ng tawa sa isip ko, habang sila ay nagtatawanan sa kung anong paksang di naman namin maintindihan. Ang dalawa kong kasama, aba, nakikitawa rin, natawa na rin ako. Pagkatapos ng kainan ay ang kwentuhan sa pagsasalarawan nila sa Pilipinas. Natawa ako sa isang ginang na itinuro pa sa kawalan ang pwesto ng Pilipinas sa globo. Tama siya, malapit sa Taiwan, malapit sa Indonesia at Borneo. Ang ating tuyong mangga ay sikat na sikat sa kanila, mamahalin kasi iyon sa kanila at sarap na sarap sila. Tinuruan din namin sila ng mga awitin at mga salitang nagpapahiwatig ng paggalang sa Pilipinas gaya ng po at opo. Nagulat din ako sa kung paano isagawa ng anak ng ginang ang isang magic trick. Nag-aral pa ito sa Amerika ng mahigit isang taon para lang matuto ng mahika. Kaya naman hindi na nakakapagtataka kung paano nabihag ng kanyang kamay ang puso ng Canadian girlfriend niya na kanyang poster sister noong panahon na ang kanyang pamilya ay nag-ampon din ng exchange student mula naman sa Canada. Pag-ibig nga naman, tatahakin ang lahat, maging karagatang Pasipiko. At oo, nandoon ang nobya niya sa oras ng salu-salo. Doon na nagpatuloy ng pag-aaral. Mayroon din kaming nakilalang Chinese at Arabian na tinuturuan ng aming ina sa pag-aaral. Propesor sa wikang Inggles ang aming ina.

Di ko man lang nasilayan ang rebulto ni Rizal doon, ang iba’y nakatakas yata. Gayumpaman, hindi na nila kailangan ng mahabang paliwanagan kung gaano nila niyayakap ang karapatan ng ibang lahi. At doon ko rin napagtanto na dahil sa kanila, nabigyan ako ng panibagong karapatan: ang makapaglayag gamit ang pakpak, imposible ngunit possible.

Isang tao lamang ang nakapagsalita ng diretsong Inggles sa buong takbo ng programa. Bukod sa aming mapagmahal na translator na palaging nagpapaalala na maghand sanitizer at miyembro ng Japan International Cooperation Center, ang Ministry of Foreign Affairs ng Japan lamang ang naintindihan namin ng walang kasunod na tandang pananong sa bawat pangungusap. Alalang alala o kung paano niya ilarawan ang programa, ang hirap at sakripisyo ng mga Hapon sa paglulunsad ng ganoong programa. Malaking tagos sa amin iyon, simbolo ng kanilang pagpapahalaga sa ugnayang panlabas di lamang ng kanilang bansa sa atin ngunit ng iba pang bansa sa Asya. Lalo pang naramdaman namin ang metikulosong pagsasakatuparan ng programa nang banggitin niya ang matinding epekto ng pandaigdigang krisis pananalapi. Oo nga, bulong ng labi ko. Wala akong naisip kundi puro pasasalamat sa oportunidad at higit sa lahat sa pakikipagkaibigan, estranghero ang lahat sa akin ngunit naging katoto ko ang mundo sa loob ng ilang segundo at hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala sa isip ko ang mga kakaibang mukha, nakakatawang pagtawa, kakaibang jokes nila, at maging ang mga salitang nakakatawa.

May CCP din ang Japan, museo ng Edo-Tokyo. May kahawig ang Malacañang at Luneta. Ang Makati at Ortigas. Ngunit walang tatalo sa Megamall at Mall of Asia. Maaaring may tumalo sa Ilog Pasig. May hawig ang malawak na kalye ng EDSA, SLEX at NLEX ngunit wala sa bilis g daloy ng trapiko. Isa pa, wala silang gaya ng nakikita mo sa salamin.

Ang pinakanaaalala ko sa lahat ng nangyari sa akin sa Japan ay ang mabilis na biyahe namin sa daan, sakay ng pampribadong bus. Walang alog na nararamdaman. Maaaring makatulog ako, sa ganda ng kapaligiran, malinis at maaliwalas ngunit pinili kong magising sa lahat ng oras ng paglilibot namin sa daan. Matagal pa kasi o marahil hindi na maulit ang buhay na panaginip na iyon. Kung may malawak na pakpak lamang ako, din na sana ako nag-apply pa para sa programang iyon. Ang pinakamalungkot na bahagi ay kung paano, sa lahat ng panahon, hindi makayanan ng Pilipinas na maging Japan. Naniniwala maging ang mga kasama ko na hindi porke walang teknolohiyang yaman ang Pilipinas, hindi na nito magagawang maiahon ang sarili o magawang mayaman at mabilis ang daloy ng lahat. May matinding karamdaman kasi ang Pilipinas na nagmumula sa kalingkingan nito. Hindi na kailangang banggitin pa pagkat maliwanag at nakikita naman na. Oo, nainiwala akong mas mayaman ang Pilipinas sa Japan. Kaya nga ang halaga ng piso ay higit na mataas sa yen dahil sa buhay na katotohanan na hindi lang sa likas-yaman nangunguna ang Perlas ng Silangan. Kung makikita mo lang. Kung gaano kabagal ang takbo ng bawat salapi sa Japan. Kung gaano kalungkot ang merkado nila di gaya sa atin. Ang mga sari-sari store ni Aling Nena, marahil mas marami ang suki kaysa sa mga tindaang nasa kalye ng Komatzu. Kung gaano iniimbak ng mga Hapon ang kanilang salapi sa di malamang dahilan, na nagreresulta sa tahimik na pamilihan. Kung gaano tayo lamang? Higit.

Dalawa lamang ang prinsipyong umiikot sa mga Hapon: Disiplina at Kultura. Iyon ang tiyak kong malaking pagkukulang ng mga mamamayan sa bansa natin. Hindi ba’t kilala ang mga Pilipino sa pagiging relihiyoso, bakit hindi magawang maging tapat at disiplinado sa lahat ng bagay gayong sa huli, tayo’t tayo rin ang makikinabang. Sa pamumuhay ng Japan, walang mahirap gaya ng sitwasyon sa Payatas, walang squatters at walang langaw na sumisira sa imahe ng kapaligiran. Lahat nabubuhay dahil sa disiplina. Ang kultura ng Pilipinas, mayamang nagtatago sa mga pag-iisip ng iilang tao o grupo lamang. Hindi malawakang naipapaalam ang tradisyong bumabalot sa lahat. Malay ba natin kung doon tayo makikilala?

Hirap sa Sarap. Di ko na naisip lahat ng aking paghihirap. Tinignan ko na lamang iyon bilang sangkap ng aking nalanghap na sarap ng bagong lupain. Sa Pilipinas, ako’y may hinahanap. Sana’y matagpuan ko. Katulong sana ang gaya mo sa malupit na paghahanap ng katarungan, disiplina, pagkamakato at kultura. Lingap sa Pagtanggap. Maluwag ang lahat. Tanggap ko na magtatapos ang lahat, sa isang pamamalaam ngunit hindi sa pagkalimot dahil walang hanggan ang memoryang dala nito--- sa aking puso at sintido.

NAIA. Mainit ang panahon--- ibang iba. Ang dami ng tao, iba sa dami ng taong nagmamadali. Bitbit ang sariling maleta, sumakay sa bus na may upos ng sigarilyo, may bakas ng bandalismo at may tatak ng pagkaluma. Ang luma sa lahat, ang trapiko. Anak ng trapiko. Paano ka mababago. Kailangan ko ng estranghero. Ugat-pak, liparin mo akong muli.