Wednesday, December 16, 2009

Mga Aral ng Katipunan


Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadakilaan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawaing magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higitan ng dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigitan sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban ay inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

Huwag mong sasayangin ang panahon; ang yamang mawalay mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.

Ang taong matalino’y may pag-iingat sa bawat sasabihin; ang matutong ipaglihim dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ang kabuhayan, lalaki ang siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

Ang babae ay huwag mong tingnang isang libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan niyong kabuhayan; gamitin monang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbubuhat nag-iwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid ay huwag gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-paring KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di mapapaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa baying tinubuan.

No comments: