Setyembre 16, 2009
Oo. Maraming nang nagsasabi. Kesyo hindi raw ako natututo. Bingi raw ako. Wala raw akong pwesto para sa mundo. Kasalanan ko ba kung pasakan ang tainga ko ng mga elementong tulad ng mga basura sa Ilog Pasig na hindi na makaagos at nang araw sa mundo na hindi na makatakas. Kasalanan ko ba kung matusok ko ang sarili kong tainga? Gayong ang tanging paraan upang makaiwas ako sa maingay na mundo a wakasan na ang buhay ng maliit na bahagi ko. Ano ngayon kung bingi ako?
Ano ngayon kung bingi ako? Maririnig mo pa naman ako. Tulad ng mga taong isinilang na pipi at bingi. Bagamat ang kalayaan nilang marinig ang tao sa pamamagitan ng salita ay napigilan na noon pa man, may paraan naman upang sila ang maghagis ng mga pag-iisip na sa oras na marinig at maintindihan ng mga ordinaryong tao, ay gagawa ng panibagong realidad at mundo.
Ano ngayon kung bingi ako? Ligtas naman ako. Hindi ko maririnig ang putang ina at gago. Maiiwasan ko ang poluysyong gawa ng ingay sa daan. Payapa ang lugar, makapagsusulat para sa literatura. Dadaloy ang dugo ko sa normal na paraan patungo sa malawak na pag-iisip. Ang putok ng galit na rebolber, sigaw ng batang nagugutom, sagutan ng mga nag-aaway na panig, bungguan sa daang malawak, asong kinakatay, baboy na pinapatay, tensyon --- lahat ng iyan hindi ko maririnig. Ang magagandang himig? Pagkukulang ko iyon ngunit anong silbi ng imahinasyon? Ano naman kung hohoho ang tunog ng kabayo ayon sa isip ko? Hihihi ang tunog ng pusa? Hehehe ang palaka? Mwa mwa ang sa ibon? Sinong magkukulang? Wala. Hindi ba’t mas makulay ang buhay kung mula sa mga bingi ay may teoryang tunog na babago sa nakasanayan? Higit na lalaki pa ang sinasabing “maliit na tao” (ayon kay Ricky Lee) sa bawat isa sa atin kung magkagayon.
Ano ngayon kung bingi ako? Maililigtas pa nga kita. Hindi ko matututunan ang ideya ng pagpatay, ng pagnanakaw, ng pagsisinungaling, ng paggawa ng kasamaan. Sa kabilang banda, sa panahong sanggol, pwede akong lagyan ng linya. Limitasyon sa paggawa ng tama at mali.
Ano ngayon kung bingi ako? Kung sa huli rin naman ay mabibingi tayong lahat. Ang mga matatanda, bingi, ngunit anong problemang naidudulot nila? Ang mga aso, pusa, ibon, isda, hindi natin iniisip na nakapagsasalita sila. Kung nakagagawa man ng ingay, ano naman sa atin? Sumasagot ka ba? Hindi. Sila, ang mga binging nagsususpetsang higit na bingi ang mga ordinaryong nilalang. Oo, alam nating nakakrinig sila. Ang aso, pusa, ibon at isda, alam nating nagugutom sila ngunit anong alam mo sa pinagmulan niya? Anong alam mo sa mga magulaang niya? Anong alam mo sa buhay pag-ibig niya? Sa medaling salita, anong alam mo sa nalalaman niya? Ngayon, sinong bingi? Hindi porke walang paraang makapagsalita, makapagbigay ng mga kataga at pangungusap na tulad ng nagagawa ng ordinaryong tao, e hindi na nagsasalita. Tuwing nagdarasal tayo. Maraming nagdarasal upang magkwento at humiling. Ngunit marami ang hindi nakikinig. Oo. Sumasagot Siya. Tulad ng mga punong humihinga para sa atin, tulad ng hanging bumubulong, ng kaluluwang umuungol. Sinong bingi?
Marami sa atin may tainga, walang pandinig. May naririnig, walang iniisip. May iniisip, mali. Iniisip ang mali, tinatangkilik. Sinong bingi? Lahat ng iyan.
At kung bibigyan ng kahulugan ang bingi sa mga diksyunaryo at iba pang libro, gagawan ko ito ng panibagong depenisyon: may nariring at wala, maaring matututo ngunit naloloko, may matangkad na “maliit na tao” sa sarili niya o maaring kriminal ng katotohanan sa himig at musika.
Oo. Maraming nang nagsasabi. Kesyo hindi raw ako natututo. Bingi raw ako. Wala raw akong pwesto para sa mundo. Kasalanan ko ba kung pasakan ang tainga ko ng mga elementong tulad ng mga basura sa Ilog Pasig na hindi na makaagos at nang araw sa mundo na hindi na makatakas. Kasalanan ko ba kung matusok ko ang sarili kong tainga? Gayong ang tanging paraan upang makaiwas ako sa maingay na mundo a wakasan na ang buhay ng maliit na bahagi ko. Ano ngayon kung bingi ako?
No comments:
Post a Comment