Saturday, January 2, 2010

Dosenang Estranghero. Dosenang Letrado.


Suntok sa buwan nga’t sila’y pinagtagpo
dosenang estranghero
isinilang ang mundo
bilog din ngunit tila nabago
sa halip na kontinente at karagatan ang globo
dosenang sereno
isang halubilo
dumaloy sa kanilang dugo

Sa unang siyudad ng lalawigang bulak
namulaklak
pangalang irog ni Ibarra,
Clara.
Sa parehong siyudad din ba
Ipinagkalulong
ni Pontio Pilato
ang sugo
ng mundo
ang Jesus, kaibigan at bro

Anghel ba sa lupa
ang sa Cagayan bumaba?

o di kaya’y bunsong kerubin ng
Isabela
kanyang sadya?

Susuko kaya ang Bataan,
Kung ang laping napangalanan
bigla na lang maglalaho’t malimutan?

Ang lindol, lintik
sanhi ng hagalpak at hagikgik
guguho kaya ang lupang putik
ng Antipolo, ng muntik
ng may dala ng panang munti

Tulay ng tulyahan
tuluyang
tultulan
doon sa higaan
kahit isang kama’y masasamahan
ng Maria Gracia, isang kilyawan

Sa lungsod ni Quezon
dalawa ang may hamon
di matantsa kung saan sila paroroon
di man naligaw, hinipan ng panahon
sampung estranghero, sa kanila’y umahon
ang isa’y umaawit sa alimuom
ang isa’y tatawa, lahat ay sasali sa operasyon

Tatlo
sa pusod ng Maynila
pawang Santa Mesa, lahi nila
walang tigpas ang sa kanila’y humila
walang talikdan, sila
sa dulo ang isa, ilang hakbang sa pagitan ng naunang dalawa
sa gitna ang isa, pugad ng mga burol, kita ang bukana
ng buong Maynila
ang pinakadulo, ako, ang simula
malapit ako, tama
sa pamantasang nagtasa at tumalima
sa tulad naming estrangherong nangangapa
noon, ngayon di umaaalma

Sila’y litrado
ng palakasan
ng pagandahan
ng yaman
ng etiketa at ng musika
ng arte at ng literatura
ng sirkera

Kung lahat ng dikurso
sa tuldok nagtatalo
ibahin sila, sa kuwit at
ellipsis
sila nagkakasundo
walang anu-ano
dagdag ng papaano

tatawa
sabay bibilang
tatawa at bibilang
kung ilang
estranghero ang nabubuwang
kakahampas ng kapwa kamandag
at kakaluha sa brasong kalasag


*Ngayon, labing-apat na ang aming barkadahan. Gaya ng ugat, lumalago.

No comments: