Ang bulag ay hindi bulag
Pagkat sa dilim ay may kandilang ilaw, nananatili’t sumusulyap
Sa buong magdamag; araw ay gabi’t
Gabi ang gabi
Para sa kanila’y ginto ang bawat titik, kataga’y antigong
Kukumpleto ng misteryo kung ano
Ang mundo at ano ang kamunduhan; iisang sulat para
Sa bulag ay sagot sa lahat ng ano at bakit
“Minamahal kong anak, patawarin mo ako’t napabayaan kita.”
Unang linya.
Sa dulo ng Pier, doon ako iniluwal ng
Basurang daigdig at pusang pag-ibig
Baliw nga si Sisa’t iniwan ako; mapagpanggap lamang
Tila sa ilog nais akong ipaagos
Hindi sa aki’y kumapit ang
Malinaw na tubig ng Pasig; isa ang kapalit
Ng pagkaulilang di natupad; ninakaw ng lubos
Paningin ko’t dugtong na pagkatuto
Labis sa dilim at itim na umaga’y gumigising
Sa bawat numero ng kalendaryong
Kasaysayan at walang saysay kong
Inaabangan baka lumiwanag ang gabi’t magbago ang paggising
Huminto ang panahon sa sulok na takda; walang nagbagong
Mata, hugis ng mukha at kulay ng balat, isa ang
Halatang humakbang, ang lumang tagpo’t anyong
Di nalalayo sa ibang musmos at sumpunging baliw
Pagka’t ang bulag ay hindi bulag; ang kalsada ang hiwagang
Pisara at kalsada ang guro; pagdapa ang magtuturo ng
Titik, kataga, pangungusap at buong
Sulat; sulat na lilipad para kay Sisa
“Hindi kita pinabayaan, hindi ko lang kayang alagaan ka, pinapaubaya na kita.”
Huling linya.
No comments:
Post a Comment