
Di ko malilimutan ang isa sa pinakamalaking pagbabago sa buhay ko noong nakaraang taon. Naging mapagmahal ako sa mga libro lalo't higit sa mga librong gawa ng mga Pilipino. Halos kilala ko ang mga sumulat o anong klaseng literatura ang mayroon sa librong isinasambit lamang sa akin ng mga kakilala o kamag-aral. Simula rin noon, naging mas malawak pa ang pagdiskubre ko sa mundo ng pagsusulat at kultura ng pagsusulat sa bansa. Hindi ko rin maitatanggi na lahat ng klaseng babasahin, upang mapalawak ang aking isip ay binabasa ko kahit pa malayo na sa pagkadisente.
Noon ko pa gustong magsulat ngunit dahil sa mga nabasa ko, mas naengganyo ako. Tinamaan ako sa sinabi ng isang propesor ng DLSU nang sumali ako sa isang workshop. Wala raw karapatang magsulat ang mga hindi marunong magbasa ng gawa ng iba. Tagus-tagusan sa aking puso at sintido ang mga salitang binitawan niya. Napaisip ako, oo nga ano? Ni wala nga akong alam pa noon sa mundo ng pagsusulat, magsusulat pa ako?

Pero matapang na ako sa panahon ngayon dahil malayo na ang nalipad ng aking isip simula nang mabilanggo ako sa sinasabi ng iba. At habang pinapalawig ko ang kapangyarihan kong bata pa, sa mundo ng literatura, naniniwala na ang iba rito. Salamat naman kung ganoon. Kaso, ang ilan sa mga gusto kong magbasa ng panitikan ko, walang lingon sa akin. Salamat sa mga lumilingon.

Natuwa rin ako dahil higit pang nabuhay ang aking loob nang mapili ang aking pag-aaral tungkol sa mga bata at kabataan sa soyal na aspeto. Ang titulo ng aking pag-aaral ay: "BATA, BATA, PAANO KA NAGING AKTIBISTA?" Doon, naikonekta ko ang mundo ng pananaliksik (na aking tinatahak dahil sa kurso ko) at ang mundo ng literatura na nais kong patunguhan sa susunod na panahon. Naibigay ng PILANDOKAN KUMPERENSIYA ang mga kaalamang nakikita ko ngunit hindi ko nakikita. Gaya ng mga simpleng bagay sa panitikang pambata, malalim din ang pinanghuhugutan ng mga nilalaman nito. Ang mga produksyon sa telebisyon at pelikula na alay sa mga bata ay hindi simpleng pagsasalarawan o pagsasalaysay ng kung ano ang bata at mundo ng mga bata kundi kung bakit napunta sa ganoong konsepto ang mga nasabing palabas.

Ngayong taong 2010, umaasa ako na lalawig pa ang kaalaman ko, hindi lamang sa panitikang sa libro lamang nakikita kundi pati sa telebisyon at pelikula. Bagamat hindi pa ako ganap na napapakilala sa mga nasabing panitikan, naniniwala akong tatalino ako balang araw at lalalim din ang pang-unawa ko sa mga bagay na para sa mga bata.

At habang may bata, naniniwala akong may literatura. Dahil ang literatura ay anak nang anak nang anak. . . para sa mga anak.

No comments:
Post a Comment