Saturday, January 2, 2010

University Belt

Minsan ako’y naging pantas, mag-aaral ng kalyeng di maestro
Di guro o doctor sa propesyong nais tahakin; Isang
Kalyeng sumpa ng katotohanan, ng
Kalokohan, lahat nasa University Belt

Sa kanan ng abenida ng Recto ang Unibersidad ng Silangan, sa likod
Ang Pambansang Unibersidad, Sampaloc ang distrito
Kaunting abante pa’y Morayta, nakatayo ang Pamantasan ng Malayong Silangan
Patungong Espanya kung saan maaliwalas ang Unibersidad ng Santo Tomas
Kung babalik sa Mendiola, doon nakalagak ang bakal na nanunusok,
Sa tapat ng Centro Escolar University at Unibesidad ng San Beda
Malapit ang tingin ng Kolehiyo ng San Sebastian, kanto ng Recto, dulong bahagi ng Legarda
Tapat ng Samson College of Science and Technology

Malapit sa kaharian ng Pilipinas ang
Saint Jude University sa kahabaan ng kalye Laurel,
La Consolacion College, katapat ang Holy Spirit University sa Mendiola pa rin

Quiapo na ang Technological Institute of the Philippines ngunit sakop pa rin
Sa Sampaloc din ang Unibersidad ng Maynila at Arellano University, ang
Sta. Catalina College, dulo na ng Sta. Mesa ang Politeknikong Unibersidad
Ng Pilipinas kung saan ako ngayo’y naghahasa ng sintido
Ngunit malayo na sa hangganan ng belt

Doon sa gilid na eskinita ng Mendiola, sa Kalye Aguila,
Barangay San Rafael, doon ako naging estudyante
Hindi ng pamantasan o kolehiyo, kundi ng isang mataas na
Paaralan ngunit hindi iyon ang punto ng tulang ito

Ang nagturo sakin at sa bawat nag-aaral sa malawak na lugar ng mga
Mag-aaral ay ang bawat daan o kalye, ang bawat segundo, ng
Pagkatrapik, ng pagiging bulakbol, biktima ng manloloko o ng
Sindikatong loko-loko.

At sa tuwing ako’y nadadaan sa kalyeng sumipa sa aking
Utak na magising at maging Malaya, nagpapasalamat
Ako, sa pagbabago’t pagbabagong bihis ng hilaw
At di-matulis na pag-iisip noon
Sa lahat ng oras na gumagalaw ang orasan, Mendiola ang
Naaalala
Doon kung saan mabilis ang lakad at ang mga sasakyan ang
Siyang makupad
Doon kung saan ang oras ay hinahabol ng bawat kamay nito,
Kung saan ang pulubi ay nagsasalita habang ang ulap ay nagmamatyag
Doon kung saan ang mga manloloko’y matalino, ang naloloko’y
Hindi

Doon kung saan ang uniporme’y kantayagan, ang itsura’y
Sukatan ng kalinisan at pangalan ng paaralan
Buhay ang kalyeng nakalutang, ang mga paksil sa mga gusali, sumisigaw
At nagsasabing bilhin mo ako’t sasarap ang buhay mo

Doon ka makakapag-aral nang walang
Pinapasukan, walang matrikula
Maghahanap ka lamang ng
Diploma, ng trophy at medalya
Tingin mo’y nagtapos ka na
Sino’ng niloko mo?

Doon kung saan ang estudyante’y populasyong
Maituturing at ginto ang libro

Minsan ako’y naging pantas, mag-aaral ng kalyeng di maestro
Di guro o doctor sa propesyong nais tahakin; Isang
Kalyeng sumpa ng katotohanan, ng
Kalokohan, lahat nasa University Belt

No comments: